Lakbay-Sanaysay: Viaje de Su Vida

HAMOG SA PARAISO

Malamig. Mabundok. Maganda. Sa likod ng mga matatayog na bundok ng lugar na ito, nakatago ang isang lugar na puno ng ikamamangha. Ang lamig nito ay kasing-init din nang nagbabagang apoy ng kultura nito na madalas dinadayo ng mga turista. Nakaaaliw. Nakamamangha. Ito ang Baguio City ng ating bansa.

Tunay ngang maganda ang lugar na ito hindi lamang dahil sa mga matatarik na burol o bundok nito, sa mahalumigmig na hangin nito, sa mga makukulay na bulaklak at mga sariwang gulay, at iba pang pisikal nitong kagandahan kundi pati na rin ang mayaman nitong kasaysayan at kultura.

Mahilig kasi kami ng pamilya ko na maglakbay sa Baguio kaya hindi na bago na alam ko ang mga ito. Ang huling pagpunta ko rito ay noong Nobyembre kasama ang mga guro at kaklase ko para sa isang patimpalak na sinalihan namin. Marami kaming pinasyalan na mga lugar na kahit ilang beses ko nang napuntahan ay parang unang beses ko pa lamang maranasan.

Ilan sa mga lugar na pinuntahan namin ay ang, una, sa Burnham Park. Ilang oras kaming naglibot dito kaya masakit ang mga paa ko pag-uwi namin. Madaming maaaring paglibangan at makakainan. Mayroon pang isang malaking ilog kung saan pwede kang mamangka at maglibang. Tunay ngang nakaaaliw ang pumunta dito. Naglibot-libot pa kami rito hanggang nakontento kami.

Pumunta rin kami sa Botanical Garden kung saan maganda at kapansin-pansin ang kanilang paghahalo at pagmamalaki sa kultura ng mga Igorot sa “tourist spot” na ito. May mga Igorot din na pwedeng magpakuha ng litrato kasama sila. Ang nakamamangha sa kanila ay sobrang halata ang pagmamahal at pagpapahalaga sa kanilang kultura, mula sa kanilang mga kasuotan, paniniwala, tradisyon at iba pa.

Sa Mines View naman, napakaganda ang makikita mong punto kapag pumunta ka sa pinakadulo. Talagang nakita ko ang buong Baguio. Sa malabundok na lugar na ito at kung paano nila ginawang urban ang lugar o tanawin na ito, kitang-kita lahat sa Mines View. Ngunit hindi lamang ang magandang tanawin ang makukuha mo dito, maraming mabibiling mga produktong may barayti, mula sa pagkain, mga kahoy na kinatay sa iba’t ibang hugis, hanggang sa mga kasuotang hinabi nila na talagang patuloy na prumepreserba sa kanilang kultura.

Dahil limitado lamang ang oras namin noon, maraming mga lugar na gusto ko pang puntahan noon ngunit hindi namin napuntahan. Kung sa Pebrero lang sana kami pumunta ay nasaksihan sana namin ang Pista ng Panagbenga na ipinagmamalaki nila. Ayon sa kanila, may kahulugan itong “panahon ng pagyabong, panahon ng pamumulaklak”. Gusto ko sanang makita ang magarbong parada at mga aktibidades na kaakibat ng kanilang pista.

Pero kahit papano, nakabili pa rin ako ng iba’t ibang mga souvenir sa kanilang mga paninda. Ang nakapagtataka sa mga ito ay may mga nakasulat o nakasulsi na “City of Pines” sa mga pinamili ko. Akala ko ‘yon lang ang kahulugan ng Baguio noon pero hindi pala. “City of Pines” ang tawag nila dito dahil sa nagraramihang mga pine trees sa lungsod ng Baguio. Pero hindi ko pa rin matanggal ang tanong na patuloy na bumabagabag sa isip ko. Saan ba nanggaling ang pangalan nito?

Tinanong ko ito sa kasama ko ngunit hindi niya rin alam kung saan ito nanggaling. Sa ‘di inaasahan, narinig ng nagtitinda ang tinanong ko at sinabi naman ang pinagmulan ng pangalan ng Baguio.

Ayon sa kanya, ang pangalang Baguio ay nagmula sa salitang Ibaloi na ‘bagiw’ na ang ibig sabihin ay lumot. Naisip ko naman, bakit naman lumot? Hindi ko na naitanong iyon ngunit nanatili ang tanong sa likod ng aking isipan. Handa na sana akong sumuko noon ngunit napagtanto ko lamang ang kasagutan sa aking katanugan noong uuwi na kami at tiningnan ko muli ang lungsod ng Baguio.

     
Sa kapaligiran, napakaberde ang lungsod. Kung hindi lamang dahil sa hamog ay baka puro berde na lamang ang makikita. Kaya naman pala Baguio dahil sa bag-iw kung saan maaaring ikumpara ang mga halaman ng tanawin sa mga lumot na nakikita natin dahil sa mga tumutubong puno kagaya na lamang ng mga pino, dapo at mga malulumot na halaman. Dito pala nagmula ang Baguio na pangalan ng tanawin.

Sa kalahatan, naging masaya ang aking paglalakbay. Mababait ang mga tao dito, magaganda ang mga tanawin, mayaman ang kanilang kultura at kasaysayan. Tunay ngang naging maganda at masaya ang paglakbay ko sa lungsod ng Baguio.

Comments